Pinaiimbestigahan nila CIBAC Partylist Reps. Bro. Eddie Villanueva at Domeng Rivera ang “unspent” o hindi nagamit na P8 billion na pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 na inabot na ng expiration nito lamang June 30.
Sa House Resolution 1913 na inihain ng mga kongresista ay pinasisilip dito ang status at paraan ng paggamit at paggastos ng mga ahensya ng gobyerno sa pondo ng Bayanihan 2 na nauwi naman sa pagkapaso ng natitirang pondo.
Giit ni Deputy Speaker Villanueva, ang pagpapabaya na mapaso lamang ang natitirang pondo sa Bayanihan 2 ay nangangahulugan lamang ng pagkait sa mga tao ng kinakailangang tulong ngayong may COVID-19 pandemic.
Mahalaga aniyang matukoy kung may inefficiency o negligence kaya hindi na rin nagamit ang pondo.
Dagdag pa ng mambabatas, anumang findings sa imbestigasyon ay magagamit naman sa pagbusisi ng husto sa 2022 National Budget.
Dito ay titiyakin na lahat ng appropriations ay need-based, data-driven at tunay na makatutugon sa kasalukuyang problema ng mamamayan.