Hindi nagamit na pondo sa Bayanihan 2, pinasisilip sa Kamara

Pinaiimbestigahan sa Kamara ang napaulat na bilyun-bilyong pisong unutilized fund o hindi nagamit na pondo ng Bayanihan 2.

Sa inilabas na Commission on Audit (COA) report nitong ika-2 ng Marso, nakasaad na mula noong ika-30 ng Hunyo, 2021 ay aabot sa P4.99-B ang pondong hindi nagamit sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act.

Mahigit sa kalahati ng bilyong pondong hindi nagamit ay alokasyon sana para sa loan distribution ng mga micro, small and medium enterprises (MSMES).


Napuna pa ng Makabayan na batay sa pinagtibay ng Kongreso na panukala na extension sa validity o bisa ng pondo ng Bayanihan 2, ito ay pinalawig hanggang June 30, 2021 lamang at anumang halaga ng pondo na hindi nagamit ay ibabalik sa general fund.

Pero sa website ng Department of Budget and Management (DBM) ay fully disbursed na ang P8.08-B na pondo sa ilalim ng Small Business Corp. (SB Corp.) para sa pautang sa mga MSMEs na apektado ng COVID-19 pandemic.

Dahil dito, inihain sa Kamara ang House Resolution 2519 kung saan inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na siyasatin ang unutilized funds sa Bayanihan 2.

Giit naman dito ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, ang isyu ay kailangang mabusisi ng husto lalo’t ang pondo ay maaari sanang gamitin na ayuda sa mga Pilipinong nagdurusa sa napakataas na presyo ng langis sa halip na ang ibigay ay ang nakakainsultong P200 kada buwan na ayuda.

Facebook Comments