HINDI NASALA | Mga inirekumenda ni Aguirre para sa Deputy State Prosecutor, hindi dumaan sa screening ng Selection and Promotion Board

Manila, Philippines – Hindi nabusisi ng Selection and Promotion Board (SPB) ng National Prosecution Service (NPS) ang mga isinumiteng pangalan ni Dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga bakanteng posisyon ng Deputy State Prosecutor.

Sa kanilang liham kay Justice (DOJ) Secretary Menardo Gueverra, nilinaw ng mga miyembro ng board na ang mga inirekumenda ni Aguirre sa Pangulo para sa nasabing posisyon ay hindi kasama sa mga napag-usapan nila sa kanilang pagpupulong noong May 4, 2017; May 11, 2017 at July 2017.

Anila, ang mga natalakay sa nasabing mga deliberasyon ay ang mga aplikasyon para sa piskalya sa Regions 1 hanggang 14 at ang mga aplikante para sa Senior Assistant Prosecutors.


Taliwas anila ito sa nilalaman ng liham ni Aguirre sa Pangulo noong February 13, 2018.

Paglilinaw pa ng Selection and Promotion Board, ang mga nominado para sa mga bakanteng pwesto ng Deputy State Prosecutor ay natalakay lamang at nasala sa kanilang pagpupulong noong October 18, 2017.

Kaugnay nito, umapela ang board kay Gueverra na bigyan sila ng pagkakataon na ma-screen ang mga aplikante.

Facebook Comments