Hindi nasunod na protocol, itinuturong dahilan ng CIDG kaya hindi naisumite sa DOJ ang mga affidavit ng mga testigo sa missing sabungero case

Bigong maisumite ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Department of Justice (DOJ) ang mga affidavit na natanggap mula sa mga umano’y saksi sa kaso ng mga nawawalang sabungero dahil hindi nasunod ang tamang proseso sa paghahanda ng mga dokumento.

Ayon kay CIDG Director PBGen. Christopher Abrahano, ang mga affidavit na isinumite sa kanila ng 12 umano’y mga dating empleyado ng whistleblower na si Julie Patidongan nitong July 11 ay hindi mga imbestigador ang nagkolekta ng ebidensiya.

Paliwanag ni Abrahano, bahagi ng protocol ng Philippine National Police (PNP) na dapat ay tumutulong ang mga imbestigador sa paggawa ng affidavit upang masiguro ang katotohanan ng mga nakasaad dito.

Nilinaw nito na maaari pa ring personal na magsumite ang mga saksi ng kanilang affidavit direkta sa DOJ at tatanggapin pa rin ito para sa preliminary investigation.

Matatandaang inakusahan ni Atty. Bernardo Vitriolo, abogado ni Police Senior Master Sergeant Joey Encarnacion na isa sa mga akusadong pulis ang CIDG na umano’y pinipigil ang pagsusumite ng affidavit ng mga testigo.

Facebook Comments