HINDI PA EPEKTIBO | Desisyon sa P1 provisional fare increase, ipinabalik muna sa legal department ng LTFRB

Manila, Philippines – Hindi pa maaring maningil ng P9 na pamasahe ang mga driver ng pampublikong jeepney.

Ito ay matapos na ibalik muna sa legal department ang desisyon ng LTFRB board para sa one peso provisional fare increase ng mga pampublikong jeepney para sa unang apat na kilometro sa mga ruta sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog.

Ayon kay Atty. Aileen Lizada, may komento pa siya sa ilang bahagi ng desisyon na ipinasuri sa legal department kung kayat hindi pa puwedeng maningil ang mga driver.


Samantala, Hindi na tatalakayin ng LTFRB Board ang 2 pesos increase na petition ng limang Transport groups

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, mayroon nang nakabinbin na amended petition ang ACTO, LTOP, FEJODAP, PASANG MASDA AT LTODAP na humihiling na gawing 12 pesos mula sa 8 pesos ang pamasahe sa jeepney.

Ginawang batayan ng mga Transport group ang dagdag gastos ng mga operator at tsuper sa pagtalima sa transport modernization program ng gobyerno.

Pero ayon kay ACTO President Efren Deluna, isasantabi na nila ang kanilang amended petition nila at muli nilang ibabalik ang petisyon para sa sampu pisong fare increase.

Aminado si de luna na masyadong mabigat sa mga mananakay sakaling iginiit nila ang apat na piso dagdag pamasahe sa jeepney.

Ayon naman kay delgra, mismong ang limang grupo ang nag amend sa orihinal nilang petisyon kung kayat mainam na mag usap at ilinaw nila ang kanilang intensyon.

Maliban sa jeepney, umapila na rin ng fare increase ang mga pampamasaherong bus, UV express at maging ang TNVS.

Facebook Comments