Hindi pa nabayarang claims ng PhilHealth, nakaapekto na sa operasyon ng mga ospital at sa sitwasyon ng mga healthcare professional

Aminado ang Philippine Hospital Association (PHA) na mas lumalawak ang epekto ng kabiguan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na makapagbayad sa mga ospital ng mga nakabinbing “COVID at non-COVID claims”.

Sa pagdinig ng House Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle, sinabi ni PHA President Dr. Jaime Almora na hanggang ngayon ang pangako sa kanila ng PhilHealth ay wala pa ring nangyayari.

Dahil aniya sa delay sa pagbabayad ng claims ng PhilHealth sa mga pagamutan, labis na naapektuhan ngayon ang operasyon ng mga ospital sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.


Nadadamay na rin aniya ang mga doktor, nurse at iba pang healthcare workers kung saan ilan sa mga ito ay tinamaan ng COVID-19 at nasawi pero hindi man lamang nakuha ang “professional fees” mula sa pinaghirapan nilang pagseserbisyo sa mga pasyente.

Samantala, inaprubahan ng komite ang mosyon ni Isabela Rep. Tonypet Albano para sa pagdaraos ng isang Technical Working Group o TWG meeting, upang maplantsa ang mga gusot hinggil sa mga hindi nababayarang claims.

Sinuportahan naman ito ni PhilHealth President and CEO Dante Gierran dahil makakatulong ito para makapag-usap ang mga ospital at ang PhilHealth at maisaayos ang problema.

Facebook Comments