
Nais ni Department of Public Works and Highways o DPWH Sec. Vince Dizon na magamit na sa susunod na panahon ng tag-ulan ang coastal dike ng Navotas City kasunod ng pagbaha matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan.
Sa kasagsagan kasi ng bagyo, umabot sa halos dalawang palapag ang taas ng alon na humampas sa coastal dike.
Ayon kay Dizon, dapat ay iprayoridad din at matapos na rin ang marami pang hindi pa natatapos na bahagi ng dike.
Pinapalista na rin ni Dizon sa district engineer ang lahat ng kailangang ayusin para sa agarang pagsasakatuparan ng proyekto.
Una rito, ipinaliwanag ni Rep. Toby Tiangco na natatagalan ang konstruksiyon ng dike dahil sa pa-utay-utay na pagpopondo.
Dahil dito, plano ni Sec. Dizon na kausapin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para gawing prayoridad ang proyekto at pondohan ito sa ilalim ng calamity fund.









