
Nagpahayag ng pangamba ang ilang senador sa hindi pa rin pagsalang sa confirmation hearing at sa hindi pagsusumite ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng nominasyon para sa walong cabinet secretaries.
Ayon kay Senator Imee Marcos, nananatili pa rin sa kanilang acting capacity at hindi pa dumadaan sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA) ang walong cabinet secretaries na sina:
• Acting Executive Secretary Ralph Recto
• Acting PCO Secretary Dave Gomez
• Acting Public Works Secretary Vince Dizon
• Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez
• Acting Justice Secretary Frederick Vida
• Acting Finance Secretary Frederick Go
• Acting Budget Secretary Rolando Toledo
• Acting DENR Secretary Juan Miguel Cuna
Giit ni Sen. Marcos, nilalabag nito ang kapangyarihan ng CA na mag-apruba o tumanggi sa nais italaga ng pangulo.
Diin pa ng senadora, kahit pinapayagan ng Korte Suprema ang acting capacity, hindi ito dapat abusuhin upang makaiwas sa confirmation process.
Sinang-ayunan naman nina Senators Joel Villanueva at Rodante Marcoleta ang posisyon na ito, na parehong nagpahayag ng constitutional duty ng CA na suriin ang merito ng isang presidential appointee.










