Manila, Philippines – Kasunod ng pagkakatalaga kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon bilang bagong Deputy Administrator sa Office of Civil Defense (OCD), sinabi naman ni Senator Panfilo Lacson na posibleng sa loob ng detention facility ng Senado magtrabaho si Faeldon.
Ayon kay Senator Lacson, bagamat hindi madidiktahan ang Pangulo kung sino ang nais nitong i-appoint sa pwesto, hindi rin aniya madidiktahan ang Senado kaugnay sa pagbababa ng mandato upang palayain na si Faeldon.
Sa kasalukuyan, dahil hindi naman convicted si Faeldon sa kahit ano mang kaso, hindi ito pinagbabawalan na umupo sa pwesto. Gayunpaman, ayon kay Lacson, hangga’t hindi ibinababa ng Senado ang contempt citation nito, ay mananatili ito sa kustodiya ng Senado.
Matatandaang, nitong Setyembre, na cited in contempt si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon dahil sa pagtanggi nitong humarap sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa 6.4 billion pesos na halaga ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC).