HINDI PA SUSPEK | Pamilya Demafelis, kumbinsidong si Agnes Tuballes ang recruiter ng kanilang napatay na kaanak na si Joanna Demafelis

Manila, Philippines – Kumbinsido ang pamilya ng pinaslang na Overseas Filipino Worker (OFW) na si Joanna Demafelis na si Agnes Tuballes ang nag-recruit dito para magtrabaho sa Kuwait.

Ayon sa kapatid ni Joanna na si Joejet, malinaw na recruiter si Tuballes dahil marami na itong natulungang makaalis papuntang abroad sa kanilang lugar.

Wala rin aniya silang narinig kay Tuballes mula nang hindi na nila matawagan ang kapatid, hanggang sa nagsara na ang agency na kaniyang inirekomenda.


Nauna nang itinanggi ni Tuballes na siya ang nag-recruit kay Joanna.

Aniya, inirekomenda lamang niya ang Our Lady of Mt. Carmel E-Global Human Resources Incorporated na dati niyang pinagtrabahuhan.

Giit pa ni Tuballes, hindi siya dapat gawing suspek sa pagkamatay ni Joanna.

Kasabay nito, itinanggi naman ni Marissa Ansaji Mohammad na hinabilin sa kaniya si Joanna dahil staff lang siya sa naturang agency.

Nilinaw naman ng mga otoridad na hindi pa itinuturing na suspek sina Tuballes at Mohammad dahil patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa pananagutan ng mga ito.

Facebook Comments