HINDI PA TAGUMPAY? | Inihaing komunikasyon ni Senador Trillanes sa International Criminal Court, umusad na

Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na sinimulan na ng International Criminal Court sa The Hague Netherlands kaugnay sa isinampang komunikasyon ni Senador Antonio Trillanes IV dahil sa war on illegal drugs ng Duterte administration.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi pa ito maituturing na tagumpay ni Senador Trillanes dahil ang preliminary examination ay para lang malaman ng ICC kung mayroon silang hurisdiksyon sa komunikasyon ni Trillanes at kung mayroong batayan para magsagawa sila ng preliminary Investigation.
Paliwanag ni Roque, ang ICC ay last resort court o maaari lamang puntahan kung ang korte sa isang bansa ay hindi na gumagana o ayaw dinggin ang isang kaso.
Nanindigan din naman si Roque na isang International Law Expert na walang hurisdiksyon ang ICC na manghimasok sa war on drugs ng administrasyon dahil saklaw ito ng soberenya ng Pilipinas na protektahan ang mga Pilipino.
Binigyang diin pa ni Roque na welcome kay Pangulong Duterte ang pagsasailalim sa preliminary examination ng nasabing issue para matuldukan na ito.

Facebook Comments