Muling kinwestyon ni Senator Joel Villanueva ang hindi pagbayad ng government-mandated contributions ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na nakakuha ng bilyon-bilyong halaga ng COVID-19 supply contracts mula sa gobyerno.
Sa ika-11 pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay ipinakita ni Villanueva ang iba’t ibang mga dokumento mula sa Social Security System, Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at Pag-IBIG na nagpapakitang hindi nagbayad ng maayos ang kompanya para sa kanilang mga empleyado noong 2020.
Nakasaad sa sulat na ipinadala ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG sa Blue Ribbon Committee na nagsimula lang magbayad ang Pharmally ng contributions para sa kanilang mga manggagawa noong Nobyembre 2020.
Ayon kay Villanueva, taliwas ito sa 2020 audited financial statements ng Pharmally na nagpakikitang P1.34 milyon ang binayaran nito para sa “employee benefits” sa buong 2020.
Ipinunto ni Villanueva na ang hindi pag-cocontribute sa SSS, Philhealth at Pag-IBIG ay marka ng isang fly-by-night na kompanya.