Hindi pagbibigay ng sahod sa mga hindi bakunado, bawal ayon sa ALU-TUCP

Binalaan ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang mga employer na hindi magbibigay ng sahod sa mga hindi bakunado.

Ginawa ang pahayag sa harap na rin ng sumbong sa kanila ng ilang manggagawa na hindi pinasahod nitong a-kinse dahil hindi fully vaccinated ang manggagawa.

Ayon kay Alan Tanjusay, spokesperson ng ALU-TUCP, maaaring mapanagot dito ang employer at may kakaharaping kaso na may multa matapos malabag ang Philippine Labor Code Article 116 o pag-hold ng sahod at Republic Act. 11525 o vaccination program law.


Iginiit pa ni Tanjusay, maraming empleyado ang gustong magpabakuna pero hindi naman available ang bakuna.

Tulad na lang aniya ang nasa Rizal, Cavite, Laguna, Bulacan at nagtratrabaho sa Metro Manila.

Samantala, hinikayat ni Tanjusay ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maglabas ng advisory o babala kaugnay sa nasabing usapan lalo’t posibleng nangyayari pa ito sa iba o posibleng mangyari pa sa iba.

Facebook Comments