Duda ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagkaroon ng kalituhan sa mga provincial bus operators kaugnay sa pagpapatupad ng window hour scheme.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, mukhang sinadya talaga ng mga bus operator na hindi sumunod sa kanilang napagkasunduan.
Matatandaan na noong kasagsagan ng pandemya, naglabas ng resolusyon ang Inter-Agency Task Force na nag-aatas sa mga provincial bus na mag-terminal sa mga itinalagang integrated terminal exchange (ITX).
Marso 24 nang alisin ito ng MMDA matapos na ibaba na sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR).
Pero nang inspeksyunin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at MMDA ang mga bus terminal ay wala ‘ni isa ang nakapasa sa itinakdang standard ng gobyerno kung kaya’t hindi pa rin sila pinayagang makapasok sa kanilang mga terminal.
Paliwanag pa ni Artes, pinapayagan pa rin naman silang mag-operate kahit hindi window hours basta’t sa ITX sila didiretso at hindi sa kanilang mga pribadong terminal.