Hindi pagdagdag ng pondo sa PhilHealth, pinuna ng isang senador

Pinuna ni Senator Risa Hontiveros ang hindi pag-apruba ng Senado sa dagdag na pondo para sa PhilHealth.

Bagamat bumoto ng pabor si Hontiveros sa pinal na pag-apruba ng 2026 national budget, ikinalungkot niya na hindi tinanggap ang mungkahi na dagdagan ng pondo ang bayad-utang para sa PhilHealth.

Ipinaalala ng senadora na ang ipinabalik ng Korte Suprema na P60-B na kinuha noong 2024 ay hindi augmentation kundi pagsunod sa utos ng Korte Suprema at kulang pa rin ang suporta dahil mayroong P53-B pa na dapat ibalik mula sa “zero subsidy” ngayong taon.

Kasama rin sa tinuligsa ni Hontiveros ang pagtanggi na maglaan ng pondo para sa proteksyon ng bundok Sierra Madre na nanganganib dahil sa pagkakalbo ng kagubatan.

Gayunman, pinuri naman ni Hontiveros si Senator Sherwin Gatchalian na Chairman ng Finance Committee dahil sa mas bukas na proseso ng budget deliberations ngayong taon kung saan kabilang ang pagtanggal sa P55 billion na unprogrammed funds na mahalagang nagawang reporma sa pambansang pondo.

Facebook Comments