Pinagtalunan sa Quad Committee ang hindi pagdalo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng Quad Committee.
Kinuwestiyon ni Cong. Joseph Stephen Paduano ang liham na ipinadala ng kampo ni dating Pangulong Duterte.
Nakapaloob sa ipinadalang liham ng legal counsel ni Duterte na hindi ito makadadalo dahil sa edad at iniinda nitong sakit.
Iginiit ni Cong. Paduano, na maaaring dumalo sa pagdinig ng komite ang legal counsel nito na si Atty. Martin Delgra bilang representative ni Duterte kung hindi ito makadadalo.
Hindi rin aniya valid ang liham na ipinadala nito dahil wala anilang medical certificate na ipinadala sa kanila at walang authorization mula sa dating pangulo ang naturang liham.
Sa pahayag naman ni Quad Comm overall lead chairman at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, iginiit niya na walang ginagawang special treatment ang Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil kinukonsidera lamang nila ang sitwasyon ng dating pangulo.
Hindi naman katanggap-tanggap para kay Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas ang naging desisyon sa Kamara dahil ibinabatay dapat ito sa rules and regulations ng Kamara.
Aniya, hindi pantay at isang malaking insulto para sa publiko ang hindi pagdalo ng dating pangulo dahil libu-libong biktima ang nasawi sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Sa huli, sinabi ni House Quadcom member Benny Abante na magpagaling si Duterte upang makadalo sa susunod na hearing.
Marami umanong masasagot na katanungan si Duterte kung personal itong dadalo at sana ay samahan siya ng iba pang akusado na nagtatago.
Nagkasundo ang mga mambabatas na i-extend na lang ang hearing at bigyan pa ng pagkakataon ang dating pangulo na makapagsalita at depensahan ang kaniyang sarili laban sa mga ibinabatong akusasyon sa kaniya.