Itutulak ng Commission on Elections (COMELEC) na gawing batas ang pagdiskwalipika sa mga local at national candidate na hindi dadalo sa mga debate sa susunod na eleksyon.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Erwin Garcia, kukumbinsihin nila ang Kongreso na gawing mandatory ang pag-attend ng lahat ng magiging kandidato sa mga ipapatawag na debate ng COMELEC.
Aniya, kung hindi dadalo ang kandidato ay maaari itong maging ground ng disqualification at election offense.
Sa ngayon kasi ay walang batas na nagre-require sa mga kandidato na sumali sa mga debate kung kaya’t ang parusa lamang ay ang pagbabawal sa pagpapalabas ng kanilang mga “E-rallies” sa COMELEC platform.
Dagdag pa ni Garcia na napaka-importante ng debate upang makita ang kahandaan ng kandidato na humarap sa mga Pilipino at dito ay inilalahad nito ang kaniyang mga solusyon sa problema ng bayan.
Ang huling COMELEC debate para sa presidential at vice presidential candidates ay nakatakda sa Abril 23 at 24 kung saan inaasahang magkakaroon ng pagkakataon ang mga ordinaryong botante na magtanong sa mga kandidato.