Binatikos ni Liberal Party president at Albay First District Rep. Edcel Lagman ang hindi pagdeklara bilang regular public holiday sa February 25 o EDSA people power revolution.
Para kay Lagman, ito ay nagpapakita ng pagiging labis na arogante ng Marcos administration para baluktutin ang umano’y kasamaan at panunupil na nangyari sa ilalim ng Marcos martial era.
Diin ni Lagman, ang February 25 ay nagpapaalala sa tagumpay ng mamamayang Pilipino sa pagpapalayas sa diktaduryang Marcos kaya marapat na alalahanin at ipagdiwang taon-taon kahit pa pumatak ito sa araw ng Linggo.
Giit ni Lagman, ang pagbalewala ng administrasyon sa umano’y mga pang-aapi na naganap sa panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ay tiyak magbubunga ng kabiguang makamit ang tunay na pagkakasundo-sundo at paggawad ng hustisya.