Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat linawin sa 2025 General Appropriations Act (GAA) na hindi kasama ang PhilHealth sa pagkukunan ng mga excess funds para ilagay sa mga unprogrammed funds.
Kaugnay na rin ito ng inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema laban sa paglilipat ng halos ₱90 billion na sobrang pondo ng PhilHealth sa National Treasury.
Ayon kay Pimentel, isa sa mga petitioners, dapat lamang bantayan ang “wording” o mga salita para sa mekanismo na pumapayag na gamitin ang mga sobrang pondo ng ibang mga ahensya para i-tap ng mga unprogrammed funds.
Naunang sinabi ni Pimentel na welcome development ang naging desisyon ng Korte na patawan ng TRO ang paglilipat ng excess funds ng PhilHealth kung saan ngayong Nobyembre sana ay may natitira pang ₱29.90 billion mula sa ₱90 billion na balak ilipat sa National Treasury.
Aniya, dapat lamang itratong sacred funds o sagrado ang pondo ng PhilHealth dahil ito ay mula sa kontribusyon ng mga miyembro.