Hindi pagharap ng Ehekutibo sa pagdinig ng Senado tungkol sa pag-amyenda ng Konstitusyon, ikinadismaya ni Sen. Robin Padilla; gobyerno, mas dapat na umanong palitan ng parliamentary system

Lubos na ikinadismaya ni Senator Robinhood Padilla ang hindi pagdalo ng Cabinet secretaries na inimbitahan para sa pagdinig tungkol sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.

 

Sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, inihayag ni Padilla na mayroon siyang kaunting sama ng loob sa hindi pagsipot ng mga kalihim ng mga ahensya na naimbitahan sa pagdinig.

 

Sinabi ng senador na hindi niya maintindihan kung bakit tila hirap na hirap ang Senado na magpadalo ng secretaries gayong sinasabi ng Konstitusyon na ang Ehekutibo at Lehislatibo ay may pantay na kapangyarihan.


 

Hindi naman aniya sila mga “marites at parites” sa Senado at dapat ay hindi isinasantabi ang mga ganitong kahahalagang pagdinig lalo na kung ang usapin ay ang Saligang Batas.

 

Hinaing ni Padilla, kung ganito lang din na parang palagi silang nagmamakaawa sa Ehekutibo na dumalo sa mga pagdinig ay mas mabuting palitan na ang sistema ng gobyerno sa parliamentary system.

Paliwanag ng senador, sa ilalim ng parliamentary system ay magiging iisa na lang ang kongreso o tinatawag na “unicameral” at ang parliament, na binubuo ng Ehekutibo at Kongreso, dito naman manggagaling ang magsisilbing prime minister at dito rin kukunin ang tatayong mga secretary ng mga ahensya ng pamahalaan.

 

Sa ganito aniyang sistema ay iisa na lamang sila at mapipilitan na ang mga kalihim na humarap sa mga mahahalagang pagdinig ng Kongreso.

Facebook Comments