Kinondena ni House Majority Leader at Zamboanga City 2nd district Rep. Manuel Jose Dalipe ang aksyon ng mga senador na umano’y nagpapababa sa integridad ng House of Representatives at sa alok na pagtutulungan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Nakakabahala para kay dalipe na sa harap ng pangangailangan ng bansa sa pagkakaisa at kooperasyon ay may grupo ng mga senador ang mas pinipili umanong atakehin ang liderato ng Kamara at iba pang kongresista.
Giit ni Dalipe, mayroong epekto ang hindi pagkakasundo sa loob ng lehislatura sa araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino at nababalam din nito ang pagkakasa ng mga kailangang reporma at oportunidad.
Paliwanag ni Dalipe, nakakadiskaril ito sa pagtugon sa malalaking isyu na kinakaharap ng bansa sa tulad ng pagbangon ng ekonomiya, pagpapahusay ng imprastraktura, mga hamon sa sektor ng kalusugan at edukasyon.
Dagdag pa ni Dalipe, ang oras at resources na nagagamit sa hindi pagkakasundo ay mas makabubuting gamitin na lamang sa pagpapaganda ng estado ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Ito aniya ay sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga paraan kung papaano mabubuksan ang ekonomiya para makalikha ng dagdag na trabaho at pagkakakitaan.