Nagpaalala si Senate President Chiz Escudero sa lahat ng mga Pilipino na huwag kalimutan ngayong Kapaskuhan ang ating mga kababayan na nangangailangan.
Ayon kay Escudero, ang masayang okasyon ngayon ay paalala sa atin ng walang hanggang pag-ibig at pag-asa ng kapanganakan ng Panginoon.
Hiling ng Senate president na sa gitna ng ating pagtitipon-tipon kasama ang mga mahal sa buhay ay huwag kalimutan ang ating mga kababayang mas nangangailangan at huwag magdalawang isip na iabot ang ating mga kamay para tulungan sila.
Sa gitna aniya ng iba’t ibang pagsubok na dinanas ngayong 2024, nanawagan si Escudero na ipagdiwang din ang katatagan at pagkakaisa ng mga Pilipino sa gitna ng mga naging hamon sa buhay.
Panghuli ay umapela ang mambabatas na magsilbing inspirasyon sa lahat na maging mahabagin at mapagbigay at dalhin ang diwa ng pag-asa at pagkakaisa habang inaasam ang maliwanag at mas masaganang 2025.