“Pakinggan din sana ng gobyerno ang opinyon ng iba”.
Ito ang apela ni Dr. Anthony Leachon, dating special adviser ng National Task Force Against COVID-19 sa Inter-Agency Task Force kasunod nang pagkalat ng United Kingdom at South African variant sa National Capital Region at ilang lugar sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, binigyan diin ni Dr. Leachon na bago pa man nakapasok sa bansa ang South African variant noong Pebrero ay nagbabala na ito at umapela sa gobyerno na magpatupad ng border control ngunit hindi ito ginawa.
Bukod dito, ipinanukala rin niya sa IATF na i-lockdown ang buong Pasay matapos na makumpirma ang pagpasok ng South African variant ngunit hindi rin ito ginawa, dahilan kaya kumalat ang virus.
Bukod sa buong Metro Manila, may South African variant na rin ngayon sa Cebu, Davao, Northern Luzon at sa Occidental Mindoro.
Giit ni Leachon, hindi siya namomolitika at ang kanyang mga projection at analysis ay may pinagbabasehang variables kung saan mahigpit din niyang pinag-aaralan ang galaw at mga hakbang ng ibang bansa sa COVID-19.
Una na ring nilinaw ni Leachon na wala siyang balak na maging kalihim sa Department of Health at nais lang niyang makatulong sa bayan.