Sang-ayon ang ilang mga senador na huwag nang palawigin ang “COVID-19 state of calamity” sa bansa.
Ngayon ang huling araw ng “state of calamity” dahil sa pandemya at wala pang pahayag o nag-aalangan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung palalawigin pa ito o hindi na.
Ayon kay Majority Leader Joel Villanueva, kumpyansa siya na kung anuman ang maging desisyon ng pangulo ay tiyak na nakabatay ito sa agham o siyensya at siguradong tumutugon ito sa global standards.
Aniya, ang magiging pangunahing tungkulin ngayon ay patuloy na palakasin ang health system sa bansa at isulong ang pag-unlad ng ekonomiya kahit pa sa gitna ng banta ng global recession at iba pang economic shocks.
Pabor rin si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pagtatapos ng “COVID-19 state of calamity” at para sa senador, hindi na ang naturang sakit ang sanhi ng kalamidad o emergency sa bansa.