Hindi pagpayag ng COMELEC sa pag-obserba ng mga watcher o representative ng kandidato at partido, inalmahan ng isang election lawyer

Umalma ang isang election lawyer sa naging hakbang ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi payagan ang ilang mga representative ng partido at watcher ng mga kandidato na obserbahan ang pag-iimprenta ng balota.

Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, base sa Section 187 ng Omnibus Election Code, inaatasan nito ang COMELEC na payagan dapat ang mga representative ng partido at watcher ng mga kandidato sa pag-oobserba sa pag-imprenta ng balota na gagamitin sa darating na halalan.

Sinabi ni Atty. Macalintal, malinaw na nilabag ng COMELEC ang nasabing batas kung saan hindi nagkaroon ng transparency sa pag-imprenta ng balota.


Maging ang distribution at storage ng mga official ballots ay hindi rin nasaksihan ng mga watcher o ng anumang representative ng kandidato at partido.

Una nang sinabi ng COMELEC na naglabas ng abiso si Commissioner Marlon Casquejo kung saan hindi nito pinayagan ang mga watcher ni Vice President Leni Robredo na obserbahan ang pag-iimprenta ng balota dahil may mga critical area sa National Printing Office (NPO) kaya’t maging ang mga personnel ng Automated Election System Provider at ibang tauhan ng NPO ay hindi rin pinayagan dahil sa security reason.

Panawagan ni Atty. Macalintal na magkaroon sana ng random testing o sampling upang mapatunayan kung ang mga naimprentang balota ay opisyal at walang magiging problema.

Sakali naman hindi pumayag ang COMELEC sa nasabing suhestiyon, gagawa ng hakbang si Atty. Macalintal upang maisakatuparan ito upang maging patas sa lahat ng kandidato gayundin sa bawat partido.

Facebook Comments