Hindi pagpayag ni Pangulong Duterte sa pagbubukas ng klase ngayong Agosto, inalmahan ng mambabatas; DepEd at DICT, pinakikilos para sa iba pang alternative learning system

Hindi pinaboran ng pinuno ng House Committee on Basic Education and Culture ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya pabor na buksan ang klase ngayong Agosto hangga’t walang bakuna kontra COVID-19.

Giit ni Committee Chairman at Pasig City Representative Roman Romulo, hindi maaaring matulog na lang at walang gawin ang pamahalaan para sa mga estudyante.

Binigyan diin ni Romulo na sa panahon na may pandemya ang bansa, marapat lamang na gumawa ng hakbang ang Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang makahanap ng alternatibong paraan ng pagtuturo, na hindi naisasakripisyo ang kalusugan ng mga estudyante at guro.


Sa interview ng RMN Manila kay Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez, pinaboran nito ang desisyon ng Pangulo.

Ayon kay Rodriguez, malabo ang online mode of learning para sa mga estudyante sa public school lalo na’t hindi lahat ay may access sa internet at gadgets.

Hindi rin aniya epektibo ang paggamit ng television at radio broadcast sa pagtuturo, batay na rin sa mga pag-aaral.

Wala rin nakikita si Rodriguez na maaaring maging paglabag sa batas ng Pangulong Duterte sakaling ipahinto ang pagbubukas ng klase lalo na’t kung mabibigyan naman siya ng extension ng emergency power.

Una nang sinabi ng DepEd na August 24, 2020 ang pagbubukas ng klase para sa School Year 2020 – 2021.

Facebook Comments