Binatikos ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang desisyon ng Department of Energy na huwag ilabas sa publiko ang Fuel Unbundling Data.
Iginiit ng mambabatas na tulad sa pagkunsumo ng tubig ay karapatan din ng publiko na malaman ang detalye sa pagtatakda ng oil prices upang maging maagap ang mga pilipino sa pangaabuso ng mga kumpanya tulad ng overpricing sa langis.
Hinala ni Zarate, pinoprotektahan ng DOE ang interes ng mga oil companies dahil sila-sila lang sa DOE at mga mambabatas ang makakakita ng Fuel Unbundling Data.
Kinalampag pa nito ang DOE na agad na isapubliko ang Unbundling Memo na noon pang November 2017 ipinangako ng ahensya na kanilang ibibigay.
Mahalaga aniya ang impormasyong ito upang masilip kung nagpapataw ng overcharging ang mga kumpanya ng langis bunsod ng Train Law.
Dismayado si Zarate sa DOE na mas yumuko at sumunod pa sa interes ng mga kumpanya ng langis sa halip na isulong ang kapakanan ng taumbayan.