Hindi pagsipot ni VP Sara sa NBI, kinondena ng ilang kongresista

Kinondena ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V at Zambales 1st district Rep. Jay Khonghun ang hindi pagsipot ni Vice President Sara Duterte sa subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa imbestigasyon sa pagbabanta nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Para kay Ortega, ipinakikita nito ang pagiging arogante ni VP Sara at hindi pagpapasakop sa ating mga batas na malinaw na insulto sa mamamayang Pilipino at kawalan ng respeto sa justice system ng bansa.

Ipinunto naman ni Rep. Khonghun na kapag ang mataas na opisyal mismo ang hindi sumusunod sa batas, ay sinisira nito ang tiwala ng mga tao sa ating mga institusyon gayundin ang dangal ng gobyerno at ang pundasyon ng ating demokrasya.


Paalala ni Khonghun kay VP Duterte, ang serbisyo publiko ay hindi lang pribilehiyo kun’di responsibilidad kaya dapat silang maging ehemplo ng pagiging responsable at tapat, lalo na sa harap ng ating mga kababayan.

Facebook Comments