Hindi pagsuspinde sa excise tax sa langis, kinukuwestiyon ng transport group

Nanawagan ang grupo ng mga commuter sa pamahalaan na magpatupad ng mga polisiya na magbababa sa presyo ng petrolyo.

Ayon kay United Filipino Consumers And Commuters (UFCC) President RJ Javellana, dapat nang suspendihin muna ng pamahalaan ang 12 percent na value added tax ngayong mataas pa ang presyo ng langis.

Marami pa aniyang mga buwis na ipinapataw sa mga consumer na lalo lamang nagpapadapa sa mga Pilipino.


Samantala, kinuwestiyon din ng isang transport group kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa sinususpinde ang excise tax sa langis gayong nakapaloob ito sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Paliwanag ni Manibela national president Mar Valbuena, nakasaad sa TRAIN Law na dapat suspendihin ang fuel excise tax kung aabot na sa 80 dollars ang presyo ng kada bariles ng langis.

Sa ngayon, naglalaro na sa 120 hanggang 128 dollars ang presyo ng kada bariles ng langis sa pandaigdigang merkado na dulot ng patuloy na digmaan ng Russia at Ukraine.

Pinuna din ng Manibela ang kakarampot umano na taas singil sa pasahe lalo na’t napakaliit anila nito kumpara sa ipinatupad noong nakaraang linggo na anim na pisong dagdag sa presyo ng kada litro ng diesel.

Sabi pa ni Valbuena, nasa siyam na piso na ang minimum na pasahe sa jeep mula pa noong 2018 kung saan P36 lamang ang kada litro ng diesel at napakalayo na nito kumpara ngayon na nasa mahigit P80 na ang kada litro.

Una nang tumigil sa pagpasada ang ilang jeepney driver dahil wala halos na naiuuwing kita sa kabila ng 16 na oras sa kalsada.

Facebook Comments