Iginagalang ng Malacañang ang desisyon ni US President Donald Trump na magpatupad ng ban sa pagpasok ng foreign workers hanggang sa katapusan ng taon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, malaya ang sinumang bansa na magdesisyon hinggil dito.
Aniya, maging ang Pilipinas ay nagpapatupad din ng mga ganitong hakbang para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Ang mga maaapektuhan ng kautusan ni Trump ay ang mga manggagawang mayroong H1-B visas para sa skilled workers, L-1 visas para sa transferred workers, at block seasonal workers na may H2-B visas.
Hindi naman kasama ang mga manggagawa mula sa food service industry.
Sa ngayon, pinag-aaralan naman sa Pilipinas na luwagan ang inbound travel restrictions para makapasok ang mga dayuhang manggagawa sa flagship infrastructure projects at permanent resident visa holders sa gitna ng pandemya.