
Idinepensa ni House Assistant Majority Leader at Lanao Del Sur Representative Zia Alonto Adiong ang hindi pagtanggap ng opisina ng House Secretary General sa dalawa pang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Diin ni Adiong, malinaw sa patakaran ng Kamara at sa matagal ng parliamentary practice na hindi maaaring tanggapin ang reklamong impeachment kung wala ang House Secretary General.
Paliwanag ni Adiong, ang House Secretary general ang may mandato na tanggapin at suriing ang mabuti kung ang impeachment complaint ay kumpleto at sumusunod sa mga requirements na nakapaloob sa saligang batas.
Giit ni Adiong, delikado kung tatanggapin ang impeachment complaint kahit wala ang House Secretary general dahil maaari itong magbukas ng pagkwestyon sa proseso at kakitaan ng iregularidad.
Dagdag pa ni Adiong, valid ang rason kaya wala si House Secretary General Cheloy Garafil ng ihain ang dalawang pang impeachment complaint laban kay PBBM dahil siya ay may nauna ng importanteng aktibidad sa ibang bansa.
Dagdag pa ni Adiong, nasa legislative recess din ngayon kaya hindi matitiyak na kumpleto ang mga tao sa Kamara araw-araw kung saan marami rin sa kanila ang may mahahalagang opisyal na tungkulin na inaasikaso sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas o sa ibang bansa.










