Pinakikilos ni Senator Risa Hontiveros ang Senado kaugnay sa mga ‘inconsistencies’ o pagkakaiba-iba na nakapaloob sa pagitan ng implementing rules and regulations ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law at sa mismong batas patungkol sa VAT exemption at zero-rating.
Punto ni Hontiveros, ang mga pagkakaiba-ibang ito ay direkta at masama ang naging epekto sa mga gastusin sa negosyo ng 212 domestic industries at nakawala ng kompanya sa sa ibang mga negosyo at kumpanya na magparehistro sa investment promotion agencies (IPAs).
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 219, ay pinagko-convene ang Congressional Oversight Committee on the Comprehensive Tax Reform Program para silipin ang Section 5 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) at Revenue Regulations No. 21-2021.
Nakasaad sa resolusyon na ang interpretasyon na nakapaloob sa IRR at revenue regulations ay hindi pareho sa inamyendahang probisyon ng National Internal Revenue Code (NIRC) kung saan ililibre sa VAT ang importation at papatawan ng zero-rating ang mga domestic purchases sa parehong export at domestic enterprises.
Taliwas aniya ito sa layunin ng CREATE Law na maggawad ng exemption sa VAT sa mga importasyon at zero-rating sa mga binili sa bansa.
Pinamamadali ni Hontiveros na masuri na ang mga pagkakaibang ito nang sa gayon ay maipatupad na ang tunay na layunin ng batas at maiwasan ang pagguho ng lokal na ekonomiya ng bansa.