
Makakaapekto sa aplikasyon ng mag-asawang Discaya bilang state witness ang hindi na nila pakikipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ito ang sinabi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon matapos ang pahayag ng ICI kahapon na umatras na sa pakikipag-ugnayan sa kanila ang mag-asawang contractor.
Ayon kay Fadullon, sa ngayon ay wala pang sinasabi ang mag-asawa kung hindi na rin sila makikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ).
Wala aniya sa posisyon ang mga ito na diktahan ang DOJ hinggil sa kanilang aplikasyon at mayroon silang proseso na sinusunod para malaman kung kwalipikado ang mga ito o hindi sa witness protection coverage
Sa kabila nito, nilinaw ni Fadullon na hindi maaapektuhan ang pagsasampa ng mga reklamo laban sa mga sangkot sa flood control anomaly kahit na umatras na ang mag-asawa.
Ito ay dahil may iba pa silang hawak na mga ebidensiya at hindi lamang ang mula sa mga Discaya.









