Manila, Philippines – Hindi patitinag ang Palasyo ng Malacañang sa mga negatibong komento ng amnesty international sa hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay sa Philippine Drug Enforcement Agency ang tanging kapangyarihan na ipatupad ang war on illegal drugs ng administrasyon.
Sinabi kasi ng AI na ang hakbang ng pangulo ay maituturing na short term solution sa malaking problema ng bansa sa iligal na droga at isang public relation stunt lamang.
Sinabi din nito na hindi na bago ang hakbang na ito ng Pangulo dahil ginawa na ito noong nakaraang Enero pero binawi din makalipas lang ang ilang linggo.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, tuloy lang ang gagawing trabaho ng PDEA sa kabila ng mga banat na ibinabato dito.
Umaasa naman si Abella na hindi malalagay sa langanin ang operasyon ng PDEA dahil sa panghihimasok ng ibang grupo na hindi naiintindihan ang pagnanais ng pamahalaan na masawata ang droga sa bansa.