HINDI PINALAMPAS | 5 jeep at 1 FX na naghahatid ng botante sa mga polling precints, hinarang ng I-ACT at LTFRB

Manila, Philippines – Limang pampasaherong jeep at isang FX ang hinarang ng LTFRB, Inter-agency Council for Traffic at Task Force Alamid dahil sa paghahatid ng mga pasahero papunta sa polling precinct na ipinagbabawal ng batas sa mismong araw ng halalan.

Ayon kay LTFRB Board Member at IACT Spokesman Atty. Aileen Lizada, kinabitan pa ang mga jeepney ng marka ng Commission on Elections bago naharang sa F.B. Harisson sa tapat ng Pasay City Hall at sa A. Bonifacio, Quezon City sa bahagi ng NLEX exit papunta sa Cubao at Monumento.

Pero sa pakikipag-ugnayan aniya ng ahensya sa Comelec ay wala umano silang ibinigay na special permit para sa transportasyon ng mga botante.


Lumilitaw pa na may insidente ng vote buying batay na rin sa narekober na piraso ng papel na may laman ng impormasyon na iboto ang isang Kagawad Tibo Lazaro at isanlibong pisong kabayaran na sulat kamay umano ng isang Chairman Paul Par.

Sinabi pa ni Atty. Lizada na nakatakda nilang ipasakamay ang spot report sa poll body para sa kaukulang aksyon.

Dinala naman sa tanggapan ng LTFRB ang mga tsuper at kanilang PUJ para kuhanan ng pahayag at dokumentasyon ng insidente.

Facebook Comments