Hindi raw pagsunod ng Comelec sa term limit ng mga kongresista, kinuwestiyon sa Korte Suprema ng ilang abogado at botante

Dumulog ngayon sa Korte Suprema ang isang grupo ng mga abugado at mga rehistradong botante para kwestiyunin ang anilay hindi pagtalima ng Commission on Elections o Comelec sa term limit ng mga senador at kongresista base sa Konstitusyon.

 

Sa kanilang petition for mandamus, hiniling ng mga petitioner sa Korte Suprema na atasan  ang Comelec na huwag nang payagan sa susunod na eleksyon na makatakbo ang mga senador, mga kinatawan at mga lokal na halal na opisyal na nakakumpleto na ng term limit.

 

Kasama sa mga petitioner sina Atty. Vladimir Alarique Cabigao, Atty. Mary Wendy Duran, Atty. Manolito Coronado, Atty. Socorro Maricel Namia Nepomuceno at Atty. Cesar Evangelista, at mga registered voter na sina Yen Makabenta, Antonio Santos at Jef Nalus Aquino.


 

Pinangalanang respondent sa petisyon ang Comelec.

 

Ayon sa petitioners, sa ilalim ng Section 4 at 7 ng Article 6 ng 1987 Constitution, malinaw na walang senador na magsisilbi nang higit sa dalawang magkasunod na termino at walang miyembro ng Kamara na magsisilbi nang higit sa tatlong magkakasunod na termino.

 

Gayunman, nakagawian na raw ng mga Kongresista na muling tumakbo sa parehong posisyon matapos ang isang terminong pahinga.

 

Ang pagpayag daw ng Comelec na sila ay makatakbo ay taliwas sa Saligang Batas.

 

Ipinapadeklara rin ng mga petitioner sa Korte Suprema na unconstitutional ang pagkakahalal ng mga termed out na mga mambabatas at local elective officials.

Facebook Comments