Hindi rehistradong vape products sa Tarlac City, nasamsam ng NBI at DTI; limang indibidwal, arestado

Nasamsam ng National Bureau of Investigation–Tarlac District Office ang mga hindi rehistradong vape products na hindi nakalista sa Department of Trade and Industry (DTI).

Batay sa ulat, napag-alamang ilang vape shops ang nagbebenta ng mga produktong may vaporized nicotine at non-nicotine na hindi nakasama sa listahan ng DTI–Office for the Special Mandate on Vaporized Nicotine and Non-nicotine Products, Their Devices, and Novel Tobacco Products (DTI OSMV).

Ang pagbebenta at pagpapakita ng mga produktong ito ay mahigpit na ipinagbabawal hangga’t walang valid na Philippine Standard (PS) Quality Certification mark.

Noong September 11, 2025, nagsagawa ng joint buy-bust operation ang NBI at DTI OSMV sa tatlong vape shops sa Tarlac City at isa sa Capas, Tarlac na nagresulta sa pagkakaaresto ng limang indibidwal at pagkakasamsam ng vape products na tinatayang nagkakahalaga ng P600,000.

Nahaharap ang mga akusado sa kasong paglabag sa Section 4 ng R.A. No. 11900 o ang “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.”

Facebook Comments