Manila, Philippines – Mali ang interpretasyon ni Senator Manny Pacquiao, kaugnay sa death penalty o capital punishment na nakasaad sa Bibliya.
Ito ang sinabi ni Rodolfo Diamante, Executive Secretary of the Bishops’ Commission on Prison Pastoral Care, kaugnay sa paninindigan ng Senador na suportado umano ng Bibliya ang Death Penalty.
Ayon kay Diamante, naililigaw ng senador ang publiko sa paggigiit nito ng kaniyang interpretasyon sa scriptural passage. At ito aniya ang nakababahala.
Aniya, mismong si Pope Francis na ang nagsabi na hindi pinapayagan ng Simbahan ang death penalty, at gagawin nila ang lahat ng paraan upang maalis ang parusang ito sa buong mundo.
Payo ni Diamante sa Senador, gumawa ng solidong pagsasaliksik bago magbigay ng kaniyang opinyon sa kahit ano mang issue.
Lalo’t iniluklok siya ng taong bayan upang protektahan ang kalidad ng buhay, at hindi tuldukan ito.