HINDI TAMANG PAGGAMIT NG FACEMASK, ISANG RASON SA PAGTAAS MULI NG KASO NG COVID-19

Ipinanawagan muli ni Dr. Carlos Cortina III, ang Provincial Health Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, sa publiko na hangga’t maari ay ugaliin paring magsuot ng facemask lalo na sa mga matataong lugar.

Ayon sa kaniyang ibinahaging impormasyon, kahit na naging boluntaryo na lamang ang paggamit ng facemask, ang pagsusuot umano nito ay malaking tulong parin bilang proteksyon upang makaiwas sa mga sakit na maaaring makuha sa hangin, lalo na ng COVID.

Isang rason na nakikita umano ni Doc Cortina, sa paglaganap muli ng nakakahawang sakit ay dahil sa mga indibidwal na kahit nasa loob ng closed areas ay hindi parin nag susuot ng face mask.

Maliban dito, maari rin umanong dahilan ang pagkawala na ng epekto ng mga bakuna sa katawan lalo na kung lampas na sa anim (6) na buwan ang huling bakuna ng isang tao.

Samantala, ayon sa pinakabagong datos na inilabas ng Department of Health (DOH), mula Oktubre 17 hanggang 23, ay may 11,995 na bilang ng bagong kaso ang naitala sa buong bansa.

Sa mga bagong kaso, apat (4) sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Kaugnay nito, ay pinaalalahanan ni Doc Cortina ang publiko na mag dobleng ingat at sumunod sa mga health protocol lalo’t may banta ng panibagong variant ang covid na hindi pa naman nakakapasok sa lambak ng Cagayan.

Facebook Comments