HINDI TATKBO | Kaso ng Pangulo sa ICC, hindi aandar – ayon sa Malacañang

Manila, Philippines – Tinawag ng Palasyo ng Malacañang na insulto para sa mga abogado, huwes at mga Pilipino ang kasong isinampa laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, aktibo ang mga korte sa bansa kaya umaandar ang Justice System sa Pilipinas na isang dahilan kung bakit hindi maaaring i-akyat sa ICC ang kaso laban sa Pangulo.

Paliwanag ni Roque, ginagawa lang ito kung hindi na umaandar ang Justice system sa isang bansa tulad ng nangyari sa Congo, Uganda, Sudan, Kenya, Libya, Mali at Georgia.


Naniniwala naman si Roque na bago pa man humantong sa preliminary investigation ang reklamo laban kay Pangulong Duterte ay posibleng hindi na ito umusad pa dahil malinaw na hindi nakamit ang isa sa mga requirement nito.

Binigyang diin din ni Roque na mali ang kasuhan ng Extra Judicial Killings o EJK ang Pangulo dahil wala namang ganitong mga krimen na nangyayari sa bansa at wala din naman aniyang direktang pagamin si Pangulong Duterte sa mga ginawang pagpatay.

Kaya naman sinabi ni Roque na mas magandang sa mga hukuman sa Pilipinas nalang magsampa ng reklamo laban sa Pangulo at hinamon din naman ni Roque si dating Ateneo Law School Dean tony Lavina na ituloy ang plano nito na maghain ng impeachment case laban sa Pangulo.

Facebook Comments