Manila, Philippines – Harap-harapang itinanggi ng mga judges ng Muntinlupa RTC at opisyal ng Supreme Court ang akusasyon ni Atty. Larry Gadon na hinarang ni SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang pagiisyu ng warrant of arrest laban kay Senator Leila de Lima na nahaharap sa drug cases.
Sa nagpapatuloy na pagdinig sa probable cause ng impeachment complaint laban kay Sereno, sinopla nila Muntinlupa RTC Branch 206 Judge Patria De Leon at Branch 205 Judge Amelia Corpuz ang mga akusasyon ni Gadon.
Itinanggi nila de Leon at Corpuz na wala silang anumang utos na natatanggap mula kay Sereno para hindi magpalabas ng warrant of arrest.
Sinegundahan ito ni Supreme Court Deputy Court Administrator Jenny Delorino na wala ding utos sa kanya si Sereno na tawagan ang hukom ng Muntinlupa RTC para pigilan ang pag-aresto sa Senador.
Nauna na ring nilinaw ni Deolorino na nakausap niya si Muntinlupa RTC Branch 204 Judge Juanita Guerrero, na siyang may hawak sa kaso ni de Lima, na wala din itong natatanggap na utos mula kay Sereno.
Wala namang maibigay si Gadon kung sino ang source nito sa impormasyon na hinarang ni Sereno ang WOA ni De Lima.
Paliwanag ni Gadon, ang kanyang alegasyon ay sinabi lamang din sa kanya ng ilang taga Korte Suprema.