Manila, Philippines – Ipinagpaliban ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang pagdinig sa kahilingan ni customs fixer Mark Taguba na makapagpyansa sa kasong illegal drugs importation.
May kaugnayan ito sa naipuslit na ₱6.4 billion shabu shipment mula China.
Sa pagdinig sa Manila RTC Branch 46, nagpasya ang hukom, alinsunod sa manifestation ng prosekusyon at panig ng depensa na tapusin muna ang markings of evidence na bahagi ng pre-trial.
Ayon sa prosekusyon, ito ay para sa mas maayos na presentasyon ng ebidensya.
Nakadepende kasi sa tibay ng ebidensya ng prosekusyon kung papayagan ang hirit ni Taguba na pansamantalang makalaya.
Sa ilalim kasi ng 1987 constitution, para sa mga kaso na ang katapat na parusa ay reclusion perpetua, hindi papayagan na makapagpyansa ang akusado kung ang “evidence of guilt” ay matibay.
Sina Taguba at Tatad ay personal na dumalo sa pagdinig kaninang umaga.