Para kay Sen. Panfilo Lacson na dating hepe ng Philippine National Police, nakakabahala ang pagkakaroon ng mga sundalong tsino sa ating bansa.
Sabi ni Lacson, ito ay kung totoo na may mga miyembro ng People’s Liberation Army o PLA of China ang nagsasagawa ng immersion mission sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Ang presenya ng mga militar na Chinese sa bansa ay lumutang makaraang makakuha ang pulisya ng Chinese military Identification Cards sa dalawang suspek sa pagpatay sa kasamahan nilang Chinese sa loob ng isang restaurant sa Makati noong huwebes ng gabi.
Ang dalawang Chinese na may military ID ay nakilalang sina Yang Chao Wen at Liang Yuan Wu na nakuhaan din ng isang 9mm pistol at dalawang .45-caliber.
Giit ni Lacson, dapat ay agad na kumilos ang ating mga pulis at intelligence community para iberipika ang nabanggit na PLA IDs at para alamin ang dahilan ng kanilang pamamalagi sa bansa.
Ipinaliwanag ni Lacson, na mahalaga itong tututukan ng mga otoridad lalo’t may hinala na ang nabulgar na pagbitbit ng ilang Chinese ng milyun-milyong dolyar na halaga ng salapi ay may koneksyon sa umano’y presensya ng PLA sa ating bansa.