Hinihinalang smuggled na asukal, pumasok sa bansa – Sen. Risa Hontiveros

Isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros ang posibilidad ng smuggled na asukal na pumasok sa bansa.

Sinabi ni Hontiveros na may shipment ng asukal sa Batangas port na naunang dumating bago pa man mapirmahan ang Sugar Order No. 6 o ang importasyon ng 440,000 metric tons ng imported sugar noong February 15.

Sa impormasyong nakuha ni Hontiveros sa mga producer organizations at independent sources, 260 20-foot containers ang dumating na inimport ng All-Asian Countertrade Inc. noong February 9 na galing Thailand.


Puna ng senadora, dapat nauna munang mapirmahan ang SO6 at kapag nailathala na ay saka pa lamang maibibigay ang ‘award of allocation’ sa mga importer.

Pero dahil nauna na ang pagdating ng imported na asukal kesa sa sugar order number 6, mayroon aniyang advanced mag-isip.

Ipinakita ng senadora ang ‘undated memorandum order’ na nagsasabing may tatlong importers ang bibigyan ng alokasyon bago pa man lumabas ang sugar order.

Mayroon ding isang sulat na pirmado ni Agriculture Usec. Domingo Panganiban salig sa utos umano ni Executive Secretary Lucas Bersamin na nagbibigay ng 240,000 metric tons na alokasyon sa All Asian Countertrade noong January 13.

Bukod sa smuggled ang asukal, tanong din ng mambabatas kung lehitimo ba ang sulat na ito dahil kung sakaling totoo ay maituturing na ‘government sponsored’ ang hinihinalang smuggling ng asukal.

Facebook Comments