Hindi babayaran ng gobyerno ang hinihinging 10-bilyong pisong danyos ng Maynilad at Manila Water dahil sa umano’y pagharang ng pamahalaan sa taas-singil ng dalawang water concessionaire may ilang taon na ang nakararaan.
Kabilang rito ang napanalunang P7.3-billion arbitration case ng Manila Water sa arbitral tribunal sa Singapore at P3.4-billion na hinihingi ng Maynilad.
Katwiran ni Presidential spokesman Salvador Panelo – sa una pa lamang, tagilid na ang kontratang pinasok ng naturang water concessionaire sa gobyerno.
Masyado kasi aniyang agrabyado ang pamahalaan sa nasabing kasunduan.
Sa panig naman ng Maynilad, sinabi ni President at CEO Ramoncito Fernandez na handa silang makipag-usap sa gobyerno para sakaling i-review ang concession agreement.
Kamakailan nang bantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Maynilad at Manila Water na kakasuhan ng economic sabotage dahil sa panggigipit sa publiko.
Ayon kay Panelo, ang Department of Justice o DOJ na ang bahalang magsampa ng kaso laban sa dalawang water concessionaire.