Manila, Philippines – Nanawagan si Magdalo Partylist Representative Gary Alejano sa AFP at PNP na huwag maging sunud-sunuran sa utos ng Commander in Chief na si Pangulong Duterte.
Ang panawagan ng kongresista ay kasunod ng pahayag ng AFP at Department of National Defense (DND) na nakahanda silang sumunod sa chain of command at arestuhin si Senator Antonio Trillanes IV matapos na bawiin ng Pangulo ang amnestiya ng senador.
Hinikayat ni Alejano ang AFP at PNP na huwag sumunod sa iligal na ipinag-uutos sa kanila ni Pangulong Duterte.
Una aniya ay walang sapat na basehan, walang kaso at walang warrant of arrest para dakpin ang senador at ikulong muli.
Ipinaalala ng kongresista na nanumpa ang AFP at PNP na susundin at poprotektahan ang batas.
Iginiit ni Alejano na hindi private armies ni Duterte ang mga sundalo at pulis kundi sila ay hukbo para sa mga Pilipino.
Sinabi pa ng mambabatas na huwag hayaan ng militar at pulisya na mabahiran ng diktaturyang Duterte ang integridad na pinangangalagaan ng AFP at PNP.