Hinikayat ng Palasyo ng Malacañang si Atty. Ferdinand Topacio na pangalanan kung sinong taga Presidential Communications Operations Office ang sinasabi nito na nabigyan ng bahagi ng 60 million pesos na nakuha mula sa Advertisement Fund ng Department of Tourism na ibinayad sa Bitag Media na pagaari ni Ben Tulfo.
Matatandaan kasi na sinabi ng mamamahayag na si Ben Tulfo na hindi niya ibabalik ang naibayad sa kanila ng DOT na taliwas naman sa unang naging pahayag ni Topacio kung saan sinabi nito na ibabalik ang 60 million pesos ng mga Tulfo.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, dapat ay pangalanan ni Topacio kung sino mula sa PCOO ang nakatanggap ng bahagi ng 60 million pesos dahil nadadamay ang buong PCOO sa issue.
Sinabi ni Roque na bilang officer of the court ay ilahad nito ang sinasabi nitong nabigyan upang maimbestigahan para hindi madamay ang buong PCOO.
Inihayag naman ni Roque na sakaling maglabas ng notice of disallowance ang Commission on Audit ay kailangang ibalik ang perang nagastos kung hindi ay mahaharap ang mga opisyal pati na ang mga dating opisyal ng Pamahalaan sa kasong graft and corruption.