Manila, Philippines – Hinikayat ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga Pilipino na makilahok sa mga isinasagawang konsultasyon tungkol sa ipinapanukalang pagbabago sa konstitusyon tungo sa federal system of government.
Ayon kay DILG Undersecretary for Local Government Austere Panadero, sa pamamagitan nito, mapapakinggan ang opinyon at komento ng publiko sa proposed amendments mula sa Consultative Committee (Con-Com) at ng DILG.
Sabi naman ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, ang Con-Com kasama ang ahensya ay mag-iikot sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa para sa national conversation.
Magkatuwang aniya ang DILG at Con-Com para matiyak na iisa at wastong mensahe lang ang matatanggap ng publiko tungkol sa isinusulong na bagong saligang batas.
Samantala, sa June 17 magsisimula ang federalism road show sa Dumaguete City.