Manila, Philippines – Hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga undocumented at overstaying OFW sa United Arab Emirates (UAE) na itama ang kanilang status o kaya ay magpasailalim sa repatriation pauwi ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-avail ng amnesty program.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, handa ang gobyerno na magbigyan ng tulong sa mga Pilipinong gusto nang umuwi ng bansa.
Sa ilalim ng amnesty program o ‘protect yourself via rectifying your status’, lahat ng dayuhan na lumabag sa residency regulation ay binibigyan ng pagkakataong makaalis ng UAE na boluntaryo o gawing legal ang kanilang status sa pamamagitan ng pagbabayad ng required feed.
Sinabi ni Bello, halos 90,000 undocumented o overstaying OFW sa Abu Dhabi at 14,400 sa Dubai ang makikinabang sa amnesty.
Ang mga OFW na gustong mag-avail ng amnesty ay maaring humingi ng assistance sa Embahada ng Pilipinas sa uae, maging sa Philippine Overseas Labor Offices (POLO) sa Abu Dhabi at Dubai.
Umarangkada ang amnesty ngayong buwan at magtatagal hanggang sa katapusan ng Oktubre.