Manila, Philippines – Hinikayat ni Metro Manila Development Chairman Winston Castelo ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsagawa muna ng konsultasyon bago isagawa ang drug test sa mga Grade 4 students.
Ayon kay Castelo, dapat na konsultahin muna ang mga magulang, mga mambabatas at mga community leaders bago gawin ang nasabing unpopular plan.
Nangangamba si Castelo na maaaring malabag ang ‘privacy’, kalusugan at dignidad ng mga Grade 4 na estudyante kahit pa tiniyak ng PDEA na “confidential” ang resulta nito.
Napakalayo din aniya ng dahilan ng PDEA na kaya gagawin ang drug test sa mga batang estudyante ay para matukoy na agad ang mga potential drug users habang bata pa.
Iginiit ni Castelo na mas dapat mag-focus ang PDEA sa kampanya para bigyang kaalaman ang mga kabataan at mga magulang sa masamang epekto ng iligal na droga at tulungan ang mga adik na sa droga sa pamamagitan ng pagsasailalim sa intervention facilities ng ahensya.
Binigyang diin ni Castelo na mas importante na bigyang bigat ng PDEA ang pagprotekta sa ‘wellbeing’ ng mga kabataan para mailayo ang mga ito ng tuluyan sa iligal na droga.